Gusto ni dating Metro Rail Transit (MRT3) General Manager Al Vitangcol na maisama ang pangalan nina dating Transportation Sec. Mar Roxas at kasalukuyang DOTC Sec. Jun Abaya sa mga dapat kasuhan ng graft kaugnay sa maanomalyang maintenance contract ng MRT 3.
Sa kanyang 23-page affidavit na isinumite sa Supreme Court, sinabi ng dating opisyal na sumunod lamang siya sa utos ng kanyang mga dating amo sa DOTC na nag-apruba ng multi-million dollar contract sa PH Trams at CB&T.
Sa kanyang liham sa Mataas na Hukuman, sinabi ni Vitangcol na siya ay “wrongfully singled-out” sa kaso gayung nagkataon lang na siya ang pinuno ng MRT ng mapirmahan ang nasabing maintenance contract.
“I am the only DOTC official charged by the Ombudsman despite the unmistakable knowledge, involvement, participation and instruction of my superiors in the DOTC headed by former Sec. Manuel ‘Mar’ A. Roxas II, current Secretary Joseph Emilio ‘Jun’ A. Abaya, Undersecretary for Legal Affairs Atty. Jose Perpetuo M. Lotilla and Undersecretary Rene K. Limcaoco, who should have been the ones brought to justice for gross and inexcusable inaction if not willful and deliberate manipulation of the events and processes related to the maintenance of MRT”, ayon sa bahagi ng kanyang affidavit sa Supreme Court.
Nauna dito ay pinaratangan din ni Vitangcol ang Office of the Ombudsman ng pagiging biased sa kaso dahil siya lang ang kinasuhan kaugnay sa naturang kontrata.
Gusto rin ni Vitangcol na ilipat sa ibang Division sa Sandiganbayan ang kanyang kaso dahil sa umano’y hindi makatwiran na paghawak sa kanyang kaso ng 3rd Division ng anti-graft court.
Si Vitangcol kasama ang mga opisyal ng PH Trams at CB&T ay nahaharap sa graft charges dahil sa umano’y nilutong kontrata noong siya pa ang pinuno ng nasabing rail system.
Sa katatapos na press briefing, sinabi ni Liberal Party spokesman at Akbayan partylist Rep. Barry Gutierrez na gusto lamang isabit sa kaso ni Vitangcol si dating Sec. Mar Roxas para sirain ang pangalan nito kaugnay sa nalalapit na halalan.
WATCH THIS VIDEO BELOW
0 Mga Komento