MANILA, Philippines – Ibinunyag na ng tinaguriang pork barrel scam queen na si Janet Lim-Napoles ang naging partisipasyon nina Senador Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada at Bong Revilla sa P10 bilyong pork barrel scam.
Ayon kay Justice Secretary Leila de Lima, nakapagbigay na ng sworn statement si Napoles kaugnay ng lahat ng nalalaman sa multi-bilyong pork barrel kickbacks subalit tumanggi itong idetalye ang nilalaman ng affidavit hangga’t hindi pa nabeberipika ang lahat ng impormasyon dito. Kasama rin sa napakaraming detalyeng ibinigay ni Napoles ang tungkol sa Malampaya scam.
Nabatid na nakipag-usap si de Lima kay Napoles noong Lunes bunsod na rin ng kahilingan ng huli bago ang kanyang operasyon. Inabot ng limang oras ang pag-uusap ng dalawa.
“She realizes that the more she remains silent… the more she is at risk. May mga sinabi siya na mga instances ng alleged security threat, sa cellphone, sa tawag, sa text sa pamilya niya, etc,” ani de Lima.
Kabilang naman sa naging kondisyon ng Department of Justice (DOJ) kay Napoles ang pagsisiwalat nito sa lahat ng nalalaman sa pork scam, pagbibigay ng pangalan ng mga sangkot, walang ibang kakausapin kundi ang kalihim at walang commitment sa pagturing sa kanya bilang state witness.
Nabanggit din ng kalihim na kaya binigyan ng pamahalaan ng seguridad si Napoles ay dahil inasahan na nilang magsasalita ito balang araw, at nagkatotoo na ito ngayon.
PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
Matapos ang pag-uusap, sinabi naman ni de Lima na tanging si Napoles ang makakapagkumpirma kung “tell all” na ang naging testimonya nito.
Bagama’t hindi direktang nagpaabot ng sorry si Napoles, dinatnan niya itong nagro-rosaryo at mangiyak-ngiyak nang makita siya.
Sa hirit ni Napoles na maging state witness, sinabi ni de Lima na masusi pa nilang pag-aaralan ang affidavit nito. Aniya, nakasalalay din anya ito sa Ombudsman.
Kamakailan ay naglabas na ng resolusyon ang Office of the Ombudsman na ituloy ang pagsasampa ng kasong plunder laban kay Napoles sa Sandiganbayan kung saan kabilang sa pinakakasuhan sina Estrada, Enrile, Revilla Jr., at maraming iba pa.
Iniutos naman ni Pangulong Aquino kay de Lima na pag-aralang mabuti at suriin ang mga sinasabi ni Napoles kaugnay sa pork barrel scam bago ito tanggapin bilang state witness.
Nakipagpulong si de Lima kahapon ng umaga kay Pangulong Aquino sa Malacañang matapos na makipagkita ito kay Napoles kamakalawa ng gabi sa Ospital ng Makati.
Ang utos ng Pangulo kay de Lima ay timbanging mabuti ang pahayag ni Napoles at huwag itong basta-basta paniwalaan agad.
Una nang sinabi ng Pangulo na mukhang malabong “least guilty” si Napoles at state witness kung siya ang lumalabas na sentro ng iskandalo. (May ulat nina Rudy Andal at Lordeth Bonilla)
[source]
0 Mga Komento