Pagbabawal sa unlimited rice promo, isinusulong

Isinusulong ng isang senador na ipagbawal na ang unlimited rice promo sa mga restaurant at kainan dahil hindi maganda ang epekto nito sa katawan at madalas masayang ang kanin. Hindi pabor si Senadora Cynthia Villar sa patuloy na pamamayagpag ng unlimited rice promo sa mga kainan dahil hindi naman ito nauubos ng tao kaya madalas masayang at masama rin aniya ang dala ng sobrang kanin sa katawan. “Kaya maraming Pilipino, may sakit dahil sa sobrang kain ng kanin. Sinasabi sa ibang bansa mas healthy sila dahil they have a better diet,” ayon kay Villar. Rekomendasyon ni Villar, ipagbawal na ang pagbibigay ng unli rice promo sa mga establisyimento para maturuan ang mga Pilipino lalo na ang mga bata na kumain ng mas maraming gulay, imbes na kanin. “The Department of Agriculture, the DOH (Department of Health), they should teach children how to eat more veggies. ‘Yung mga matatanda, tapos na ‘yan eh, marami may sakit na. ‘Yung mga bata ang dapat habang maaga pa, turuan nang kumain ng gulay,” ani Villar. Ngunit ngayon pa lamang, may ilang umaalma na sa isinusulong ni Villar. “Hindi ‘yun patas para sa class D and E kasi kakaunti na nga lang pera nila, tapos pambuong araw na ‘yung kakainin nila,” sabi ni Alex Dimagiba. Malugod namang tinanggap ng Department of Agriculture ang posisyong ito ni Villar. Matagal na ring ikinakampanya ng DOH ang mas aktibong pagkain ng gulay at prutas kaysa sa kanin upang makaiwas sa sakit.


Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento