IN VIDEO: Matapang Na Mensahe Ni Sen Lacson Laban Sa Maute Group

Senator Panfilo Lacson was the guest speaker during the 119th Independence Day celebration in Kawit, Cavite, where the proclamation was made on June 12,1898.

The senator was joined by Tourism Secretary Wanda Teo in commemorating the country’s independence.

Lacson, who hails from Cavite, urged the public not to forget the sacrifices of the earlier generations, and thanked the military and the police for securing the country’s territory and safety, especially amid the clashes in Marawi City.

We may not all agree with him, the senator said, but he thinks having a president who unexpectedly rose to power and who deals with the country’s longrunning problems differently from how his predecessors did could be our chance at hope and change.

Here is the full text of his speech entitled “Kalayaan 2017: Pagbabagong Sama-samang Balikatin.”

Ang kalayaang nakamit dahil ipinagmakaawa lamang ay walang kabuluhan. Hindi tulad ng kasarinlang pinagpanalunan matapos ipaglaban. Noong ika-12 ng Hunyo 1898, ang mga puwersang rebolusyonaryo sa pamumuno ni Heneral Emilio Aguinaldo ay nagtipon-tipon sa mismong lugar na ito ng bayan ng Kawit, na ang tawag pa noon ay Cavite Dos del Viejo, upang basahin sa publiko ang proklamasyon ng kasarinlan ng sambayanang Pilipino, bilang pagpapahayag ng kalayaan at kasarinlan ng Pilipinas mula sa kolonyalismong pananakop ng bansang Espanya.

Kaagad sinundan ito nang pagwagayway ng watawat ng Pilipinas habang tinutugtog at hinihimig sa kauna-unahang pagkakataon ang ating Pambansang Awit na ang titik ay iniakda ng isa ring Kabitenyo, si Julian Felipe, na isinilang sa kalapit na lungsod ng Cavite.

Ang pagtitipon nila noon ay siya ring dahilan kung bakit tayo nagkasama-sama ngayong umaga, ang ipagdiwang ang kasarinlan ng Pilipinas. Hindi lamang ito isang napakahalagang milyahe para sa ating bayan. Sa katunayan, ang proklamasyon ng ating kalayaan, 119 taon na ang nakakalipas ang naghudyat ng pagusbong ng kauna-unahang republika sa buong Asya.

Nag-iwan din ng tatak sa kasaysayan ng buong kontinente ng Asya ang rebolusyong Pilipino bilang unang nag-aklas laban sa pananakop ng mga dayuhang Kanluranin. Saksi ang mundo sa ating pakikibaka, pati na rin sa matagumpay nitong pagtatapos.

Dugo ng ating mga magigiting at dakilang bayani ang ipinadinilig sa malayang lupaing kinatatayuan ng mga Pilipino sa kasalukuyan.

Matatandaan nito ang ating pakikiisa sa pagtaas ng watawat mula Lunes hanggang Biyernes, na kapag Lunes ng umaga ay nagtatagpo-tagpo sa harap ng tagdan ng watawat ang mga kawani ng pamahalaan para sa panunumpa sa tungkuling kanilang gagampanan sa buong linggong kakaharapin.

Sinadyang gawing makabuluhan ni Marcela Agoncillo ang simbolo ng ating watawat – ang kahulugan ng kulay na pula, puti, bughaw, at dilaw, pati na rin ang diwang sinasagisag ng walong sinag ng araw, at tatlong bituin na nakapaloob sa isang tatsulok. Sa kabuuhan, mahalaga ang mensahe nito: nakamit na nga natin ang inaasam na kalayaan mula sa mga mapaniil na banyagang mananakop.

Huwag sana nating kakalimutan ang higit tatlong siglong pinaghirapan at pinunan ng dugo at pawis ng ating mga ninuno upang maging isang ganap na malayang bansa ang tinatamasa natin ngayon.

Salamat sa libo-libong bayaning Pilipinong nanindigan at nagbuwis ng kanilang buhay. Hayagan na natin ngayon na iwawagayway ang ating bandila kapantay ng ibang bansang malaya at may kasarinlan.

Sa tuwing napapag-uusapan ang kasaysayan ng Pilipinas, hindi maiiwasan ang pag-usbong ng sari-saring kuro-kuro patungkol sa kahulugan ng katagang “kalayaan.”

Hindi maiiwasang maitanong – ganap nga bang malaya ang sambayanang Pilipino?

Kung ating susuriing mabuti, masasabi nating nakawala na nga tayo sa dilim ng ating kahapon – lumipas na ang panahon ng mga banyagang manunupil ng ating bansa, wala na tayo sa katayuan ng rebolusyonaryong pakikibaka laban sa kolonyalismo.

Nguni’t hindi nangangahulugang nakaungos na tayo sa mga banta at paninindak sa ating Inang Bayan.

Sa aking pagmumuni, aking napagtanto na marami pa ring bagay-bagay na patuloy na sumisiil sa ating kalayaan. Kabilang na rito ang kahirapang dulot ng talamak na katiwalian, na siya ring pangunahing suliranin na patuloy na sumasakal at bumibihag sa ating ekonomiya, lalo na sa mga kapus-palad na Pilipinong nagsusumikap na makaahon sa kahirapan.

Hindi lamang ito. Higit pang nakapanlulumo ang karagdagang suliraning maituturing natin na isang makabagong pakikibaka: ang kaliwa’t kanang banta ng terorismo at panganib na dulot ng karahasan, ang malaking perwisyo na dulot ng ipinagbabawal na gamot, at ang pagkabulag sa paniniwala na maaaring iituring na panatismo.

Hindi natin maitatanggi na nahaharap tayong muli sa makabagong hamon laban sa mga indibidwal at iba’t ibang grupo na tila ba ay nagpupumilit umagaw sa kalayaan at mapayapang pamumuhay na noon pa man ay atin nang ipinaglalaban.

Mahigit dalawang linggo lamang ang nakakaraan nang balutin ng takot at pangamba ang lungsod ng Marawi sa lalawigan ng Lanao del Sur matapos itong pag-alsahan at kupkupin ng mga armadong pangkat na nakikipag-alyansa sa teroristang grupo.

Maraming buhay na ang naging kapalit ng labanan. Ayon sa huling ulat, mahigit 200 na ang naitalang namatay, kung saan hindi kukulangin sa 191 ay mula sa bandidong grupong Maute, 58 ay mula sa panig ng ating kapulisan at kasundaluhan, at hindi pa tiyak na bilang ng mga sibilyan.

Nitong Biyernes ng gabi lamang, 13 sundalong Marino ang nasawi habang 40 ang nasugatan.

Sa puntong ito, nais kong bigyang pugay ang mga makabagong Katipunero ng ating bansa: ang ating mga sundalo at pulis na araw at gabi ay patuloy na nag-aalay ng kanilang buhay sa ngalan ng serbisyo publiko upang pangalagaan ang kapayapaan sampu ng kaligtasan nating lahat laban sa kriminalidad at iba pang salot ng lipunan.

Marami nang naluklok at natapos magsilbi bilang Pangulo ng ating bansa. Manaka-naka’y tinatanong natin ang ating sarili: may pagbabago ba? Kapag ang sagot ay wala, nagtatanong tayo muli, bakit kaya?

Sa panahong kasalukuyan, dumating sa ating buhay ang isang pangulo na sa kanyang sariling guni-guni, pati sa kaisipan ng napakaraming Pilipino, ay hihindi sumapit na maging pangulo pala ng Pilipinas. Sa aking sariling opinyon at pagninilay-nilay gamit ang praktikal na lohika, kapag ang pinuno ay naiiba sa mga nauna sa kanya, mas may magandang pagkakataon magkaroon ng pag-asa at pagbabago.

Maaring ako ay mali o tama. Maaring kayo ay sang-ayon o hindi. At hindi ko naman kayo maaaring piliting yakapin ang aking paniniwala. Subali’t ako ang pangunahing tagapagsalita, kaya kahit pansamantala, wala kayong magagawa kundi dinggin ang aking pananalita.

Mga ilang ulit nang naisulat sa mga pahina ng kasaysayan kung paano nagging sangkap ang pagkakaisa nating mga Pilipino tungo sa pagkakamit ng iisang mithiin. Maraming ulit na nating napatunayan na kaya natin malampasan ang anumang uri ng pagsubok dulot ng pagmamalupit at pagmamalabis sa ating bayan.

Para sa ating lahat na naririto, ang pakikipaglaban para sa kalayaan ay hindi nagtapos kasabay ng proklamasyon ni Heneral Aguinaldo mahigit isang siglo na ang nakakalipas. Ang kalayaan ay hindi ginugunita bilang isang kabanata lamang ng kasaysayan. Manapa’y ito ay patuloy na ipinaglalaban at inaalagaan para sa kasalukuyang henerasyon at sa mga susunod pang salinlahi.

Sana ay hindi lamang tuwing ika-12 ng Hunyo natin nararamdaman ang pagkamakabayan at nasyonalismo. Mula sa ating makulay na kasaysayan, samahan pa ng taglay na likas na kagandahan ng bansang Pilipinas, tatlong mabubuting katangian at asal na pinamana sa ating mga magulang, masasabi nating sadyang masarap maging Pilipino.

Maligayang araw ng kalayaan sa ating lahat! Mabuhay ang lahi ng mga bayani! Mabuhay ang Pilipino!

WATCH THIS VIDEO BELOW

[source]


Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento