Ipinagtanggol ng mga lider ng Kongreso ang naging proseso ng pagtanggap nila ng report ni Pangulong Rodrigo Duterte ukol sa Martial Law declaration.
Sa halip kasi na personal na humarap ang chief executive sa joint session, ipinatawag na lang nito sina House Speaker Pantaleon Alvarez at Senate President Koko Pimentel.
Ayon kay House Majority Leader Rodolfo Fariñas, pinapayagan ng batas ang ganitong proseso lalo’t kailangan ding tutukan ng presidente ang pagmando sa operasyon bilang commander in chief ng militar.
Kung titingnan, pasok naman aniya sa panuntunan ang naging pagsusumite ng report dahil naihabol ito, ilang minuto bago matapos ang deadline na alas-10:00 ng gabi.
Base sa batas, kailangang mag-report ang pangulo sa Kongreso sa loob ng 48 oras matapos ang deklarasyon ng batas militar.
Dito kasi ibabatay ng mga mambabatas ang pasya kung ipakakansela ang Martial Law o papayagan itong manatili at mapalawig pa ng higit sa 60 araw.
0 Mga Komento